Sunday, October 17, 2010

TINIG NI MAMA

“TINIG NI MAMA”

Ni Edlyn Retucsan

“Baagg! Baagg! Baagg! Ate!” sigaw ni JayR, Hay nako! nagising na naman ako sa lakas ng kalabog ng pinto, eto na naman si JayR papasok na at kailangan ng baon. Dahan dahan kong binuksan ang pinto at iniabot ang Bente Pesos na baon niya. Pagkaabot ng pera, dali dali na siyang bumaba sa hagdan at tuluyan ng lumabas ng bahay. At ako naman, dali dali na namang lumapit sa aking pinakamamahal na kama.

“Len! Kain na! bumaba ka na diyan at tayo’y kakain na!”, bigla akong nagising ulit, kakain na daw. Bumangon ako ulit at dahan dahan kong ibinaba ang aking mga paa sa hagdan, medyo pikit pa ang mata ko sa kabila, at may muta pa na katabi sa kaliwa. Habang ako’y pababa ng sala, hindi ko mapaliwanag ang nararamdaman ko. Rinig na rinig ko ang pabulong na pulso ng aking dibdib at unti unting bumibilis habang ako’y unti unting napapalapit sa unang palapag ng aming bahay. Pag tungtong ng aking kaliwang paa sa unang palapag, dali dali kong inilingon ang aking ulo sa pinaroroonan ng aming hapag kainan. Pag lingon ko sa mesa, biglang tumigil ang mabilis na pulso ng aking dibdib at natawa nalamang ako sa aking sarili. “Naku! Sa kabilang bahay pala yon”. Nakalimutan ko na naman, kame lang palang dalawa ng aking kapatid sa bahay.

Ilang buwan narin akong ganito, nakakarinig ng tinig ng Ina sa kalapit na bahay, habang isinisigaw ang pangalan ng kanilang anak. Hinahanap hanap ko parin ang ganoong eksena sa buhay ko. Hinahanap hanap ko ang pagkaing inihain ni Mama sa mesa, ang kaluskos ng tambo sa sala, mga amoy ng bagong sinampay na damit sa harap ng bintana, mga tugtugin ng Aegis na paulit ulit na parang sirang plaka, at mga sermon na madalas na nakakarindi sa tenga.

Walong buwan na simula nung huli ko siyang nakasama, walong buwan ko na rin syang hindi nakakakwentohan, walong buwan na mula ng huli ko siyang mayakap at mahalikan. Kamusta na kaya si Mama sa Thailand? Nangayayat na kaya siya don? Sana naman.

Ganun pa man, sanay na ako sa ganitong pahina ng araw ko. Tutal lumaki naman ako na hindi siya nakakapiling, maraming taon na rin na madalas wala siya sa aming siping. Ilang “Merry Christmas at Happy New Year” na nga rin siyang absent eh, buti nalang last year nakahabol pa siya sa Noche Buena at putukan ng mga paputok sa labas ng pinto. Pero okay lang yon, tulad ng sabi ko kanina, SANAY NA KO.

Ngunit kahit wala si mama, walang masasakit na salita mula sakin ang kaniyang narinig. Walang pangungunsensya at pangingising lumabas sa aking labi. Naiintindihan ko kung bakit wala siya sa ngayon, marahil wala siyang choice kundi ang umalis. Naiintindihan ko kung bakit madalas, hindi siya nakakatawag sa amin, marahil siguro wala siyang pambili ng card para pang tawag. Naiintindihan ko kung baki’t minsan hindi manlang siya makapag padala ng allowance sa bahay. Naiintindihan ko kung minsan praning siyang magsalita sa akin, nag iisa nga naman akong babae, tapos mabubuntis pa? “Hahaha.. naniniwala pa rin siya sa mga hula ng iba”. Naiintindihan ko rin kung baki’t hindi siya nakauwi nung birth day ko, imbis na ipang uwi niya ang natitira niyang pera, ipinadala nalamang niya dito upang pang handa.

May 10, 2010, 18th Birthday ko na. Dumating ang lahat ng mga importanteng tao sa buhay ko, sila Tita, Tito, Ninang, mga kaibigan ko, mga badang, bhesxie, ka-greenwich, kapatid ko kay papa, papa, at siyempre si Tams. Pagkatapos ng 18th Roses, sumunod naman ang 18th Candles, duon matinding imosyon na ang aking naramdaman mula sa mga mensahe ng aking mga kaibigan. Maya maya pa may biglang nagsalita sa Mic, “Happy Birthday anak! Oh 18th kana matanda ka na, pero maliit pa rin, hehe. Huwag ka sanang magtatampo kay Mama ah? Alam mo namang ginagawa ko lahat ng ito para sainyo.” Pahinto hintong pagbati ni Mama. “Opo ma!” sagot ko naman. Maya maya nag salita na naman siya “Kung may magagawa lang ako anak, mas gusto ko na kasama ko nalang kayo, huwag mong pababayaan ang pag-aaral mo huh.. Huwag ka munang mag-aasawa.” “Opo ma” sagot ko ulit. “Oh Glenn huwag mo munang kukunin saken si Edlyn ah. Kahit panganay yan, bunso ko yan! Huwag mo muna siyang kukunin ah.. Hayaan mo munang makasama ko pa siya ng matagal” at unti unti na ngang naluha si mama, dinig ng lahat ang kaniyang pag luha, dinig ng lahat ang kaniyang pagkalungkot at pagkasabik na makasama kameng lahat. “Pasensiya na anak, ikaw nahihirapan diyan, hayaan mo pag may pera uuwi na ko diyan! Hindi ko madalas sabihin saiyo to.. pero Mahal na mahal kita, mahal na mahal ko kayo ng mga kapatid mo!” at unti unti na siyang humagulgol. Yun ang kauna unahang iyak na aking narinig kay mama, marunong pala siyang umiyak, pusong mamon din pala siya. Maya maya pa’y inulit niya ang huli niyang sinabi.. “Mahal na mahal ko kayo ng mga kapatid mo!” at biglang.. “toot.. toot.. toot..”. Tawag lang pala yon. Akala ko andito siya. Pero ayos lang, at least nung araw ng kaarawan ko, narinig ko naman ang tinig ni Mama, hindi yung tinig ng Inay sa kabila, kundi yung tinig ni Mama, yung nga.. ang tinig niya. The End.
Related Posts with Thumbnails

followers^^

Powered By Blogger
 

Biyaheng Quiapo | Creative Commons Attribution- Noncommercial License | Dandy Dandilion Designed by Simply Fabulous Blogger Templates Make Money Online